30 March 2007

PAANO MO AKO PALALAYAIN

sino ba naman ang hindi naniniwala na nakapagpapalaya ang katotohanan? sino ba naman ang hindi gagaan ang pakiramdam matapos ibuhos and dating naninikip at nananakal na saloobin? sino ba naman ang hindi mabubunutan ng tinik at mababawasan ang pasang dala-dala ng daigdig matapos pagdaan at lagpasan ang lahat ng pasakit at hirap?

hindi nga ba't nakapagtataka ang mga karanasang sadyang mapagtanto at sinungaling? bakit kaya hindi mawari ang sariling kalayaan na kung ang tinataya ay ang mga bagay na kapantay ang halaga? nagkakaroon nga ba ng katwiran ang pagsasakripisyo sa mga pinaniniwalaan nating hindi na ganoon kahalaga?

totoo, hindi patas kung umasta sa'tin ang mundo, ang tadhana. nakasanayan nitong magbigay ng isang mabigat na pagsubok, sa paniniwalang masusukat dito kung gaano tayo karapat-dapat para sa mga nakatakda at nauukol na bagay.

ngunit hindi ba dapat ng lahat ng mga nangyayari sa takbo ng ating buhay ay nasa ating pagmamanipula? sarili natin ang gumagawa ng desisyon, ng sariling pamamaraan. tayo ang gumagawa ng tadhana. hindi dapat tayo sumisisi sa langit sa mga kahirapan o mga pagsubok na dinadaanan. naging desisyon natin ang dumaan sa mahirap at masukal na gubat, hindi nag-atubiling maghanap ng mas maikling at ligtas na daan.

hindi ibang tao ang magiging dahilan ng ating pagbagsak. hindi ibang tao ang magiging dahilan ng ating paghihirap. ang tanging kinalaman lang nila sa buhay mo ay nakasabayan mo lang sila, tapos. hindi habambuhay sisisihin mo ang taong sumaktan sa'yo, dahil kahit papano ay may naging pagkukulang ka rin.

kung naiipit ka sa isang sitwasyon dahil nararamdaman mong iniwan ka na, hindi maaaring tumunganga't mangisi. maghanap ng paraan. walang dumadating na pagkakataon kung hindi naman ito hinahanap ng taos sa puso.

hindi sa lahat ng oras ay mali ang paniniwala mo. hindi mo lang ito naipaglalaban. kaya ang nagiging kinalabasan ay nauunahan ka na ng iba sa karera.

maaaring sabihin na impluwensiya lang sa'tin ang mga taong nakapaligid. saktan man nila tayo, paibigin, kaibiganin, o mahalin, ito'y dahil sa atin. pero hindi sila ang magdidikta kung ano ang nararapat na tahakin.

totoo, magkakaugnay ang lahat ng tao. angng taimtim at malalim na pag-iintindi ang kailangan upang masilayan ang mga dapat abutin.

sa huli, ikaw pa rin ang magpapalaya sa sarili mo.

No comments: