02 October 2006

SIYA NG NAKARAAN

nakakawala ng ganang gumawa ng entry dito sa blogspot, ang hirap kasi magmodify ng layout eh. hindi ko tuloy maramdaman yung "urge" para gumawa o magsulat ng bago.

ang daming bumabagabag sa isip ko itong mga nakaraang linggo. sa sobrang dami hindi ko malaman kung ano ang uunahin ko't pagtutuunan ng pansin. marahil ay narinig mo na itong reklamong ito dati pa, pero hanggang ngayon kasi wala pa rin akong napatutunguhan.

binigyan ako ng isang napakahabang panahon para makapag-isip, balikan ang oras at tignan ang mga taong nakasama ko sa mga sandaling iyon. kadalasa'y may mukha ng isang kaibigan na tila hindi mabura-bura sa alaala ko. tapos na kung anuman ang namagitan sa'min noon, pero tila yata hanggang ngayon hindi ko matanggap ang kinahinatnan ng pagsasama namin.

akala ko tapos na. kaya ko na muling itakbo sa ayos ang buhay ko, naghilom na ang sugat at hindi na kailangang pansinin pa ang naging peklat na idinulot nito.

bakit kaya sa tuwing kasama ko ang iba'y nagagawa ko namang iwanan ang masamang nakaraan, ngunit sa panahong nakapag-iisa ako't nagmumuni-muni'y siya ang naipipinta ng aking isipan?naguguluhan ako. pinilit kong maniwala na hindi ko na siya kailangan, kahit masakit. ang kontrata ng aming pagkakaibigan ay napawalang bisa na, wala ring silbi kung pipilitin kong "i-renew" pa iyon. siya rin ang umayaw at lumayo.

siya marahil ang idadahilan ko kung bakit ako madalas malungkot at tila wala sa tamang direksyon sa buhay. siya ang sisisihin ko kung mawalan ako ng inspirasyon para gumawa ng mga bagay na ikatutuwa ng lahat. siya ang ituturo kong maysala sa pagnakaw ng malaking bahagi ng buhay ko...

siya lang, wala ng iba. ang puno't dulo ng lahat ng pagsisisi ng pinagdaraanan ko. hindi nga ba siya ang lumapit sa'kin noon dahil kailangan niya ako? tinanggap ko kung anuman siya, nagtagal at gumanda ang pagsasama. ngunit sa isang iglap, nawala.

mahal ko na yata siya. hindi ko alam. pero siguro nga.

No comments: