ang katotohanan, kung magbiro, ay sadyang hindi isang laro lamang. ito'y isang drogang madaling malulungan ng isang taong hindi binabantayan ang kanyang sarili pati na rin ang paligid. kung hindi maingat, mahuhulog ka sa nailatag na patibong.
talaga bang makatotohanan ang mga kantyawan na pinaririnig ng mga kaibigan? bakit kailangan pang humirit dahil sa sariling kagustuhan lamang at walang matinong basehan? dapat bang maniwala sa nakikita ng karamihan?
paano kung iba ang alam ng lahat ng nakapaligid sa'yo sa sarili mong pinaniniwalaan? paano kung sadyang malaking impluwensya ang mga tao na kahit ano pang paliwanag ang gawin mo ay wala na ritong papansin? paano kung sa sandaling iyon ay malaman mo na ang kalaban mo na pala ang buong mundo?
ang mahirap kasi dito, maimpluwensya ang iba, at hindi maiiwasan sa tao na maniwala sa nakikita niya? kahit kayong mismong dalawa na ang dawit, at kayong dalawa lang ang nakakaalam ng katotohanan, wala pa ring maniniwala kundi kayong dalawa lamang. mas mabuti na yun kesa ikaw lang laban sa kanilang lahat.
kayong dalawa na lang ang natira. ang isa't isa na lamang ang maaasahan mo at wala nang iba pa. hahadlang man muli ang ibang tao'y balewala na lang ito at hindi na pinapansin pa. napag-usapan naman ang dapat gawin, at ang hindi malaos-laos na balita... walang dapat katakutan at ikahiya, wala namang totoo sa sinasabi nila eh.
mapapangiti ka na lang sa mga sinabi niya't gagaan muli ang loob. kung anuman ang gumugulo sa isip mo'y naibsan ito ng mga simpleng salita't ngiti. ngunit hindi magtatagal ay mararamdaman mo rin. babalik sa alaala ang mga sinabi nila, at magsisimula ka na ring maniwala sa kanila. ang sarili mong prinsipyo'y nabalewala rin sa huli.
gusto mo pala talaga siya. ano ngayon ang totoo?
No comments:
Post a Comment