06 February 2006

SARILI MO LANG KALABAN MO

akala mo tapos na ang lahat. akala mo okay na ang lahat at wala nang problemang maaari pang mamamagitan sa inyong dalawa. akala mo tapos na ang lahat ng kaguluhan at naresolbahan na ang mga problema. akala mo magaan na muli ang pakiramdam mo't malaya ka na mula sa pagkakasakal sa'yo ng konsensya mo.

nagkamali ka pala... sa katunayan ay nahaharap ka lang ngayon sa mga mas malalaking hamon ng sarili mong buhay.

nariyan pa ang pagpipili. hindi mo alam ngayon kung sino ang mga tunay mong mga kaibigan, yung mga nakikisama lang, at yung mga tawag-pansin. nalilito ka kung sino ang dapat pagkatiwalaan at asahan. magsisimula na rin ang iba pang away sa mga taong nakapaligid sa'yo. wari'y hindi dapat gantihan sila pero nakikilala mo lang sila lalo sa ganoong paraan.

maiinis ka sa sarili mo. mapapaisip ka ng malalim. mapapatanong ka kung tama ba ang lahat ng naging desisyon mo. magdadalawang isip ka ngayon sa mga hakbang na gagawin mo. lahat ng mga bagay ay tila babagal ang takbo dahil hindi mo pa rin mapagdesisyunan kung ano ang tama sa mali, kung sino ang tama, ang wagi.

hawak mo ngayon ang cellphone mo. hindi mo maisip kung sino ang itetext. ni hindi mo alam kung hihingi ka ba ng payo, ng tulong, o naghahanap ka lang ng malalabasan ng sama ng loob mo. nalilito ka na. at lalo ka lang maiinis sa sarili mo.

galit ba ang mundo sa'yo? bakit kailangang magkaganito, magkagulo? wala na bang paraan para maatim ang pangarap na buhay, tahimik, lahat nasa ayos, walang nag-aaway, lahat nagkakaintindihan. hanggang kailang ba magdurusa pa lamang sa isang buhay na kung saan mapapalagay ang loob.

ngayon, sasabihin mo sa sarili mo na magbabago ka na. hindi na ikaw ang tulad ng dati. pilit mong ipagmamalaki na hindi ka na basta-basta matitinag ng mga nakakainsultong salita. hahayaan mo lang na dumaan na parang hangin ang mga kaaway, susubukang hindi magpapaapekto sa mga tanto nila't umusad sa pinagkakaabalahan. tatawanan mo lang ang mga nagsusulputang abala't iiwasan ang mga humahadlang sa'yo.

matutuwa ka, malaki ang pagtingin sa sarili. iisipin mong nagsisimula na ang iyong paghihiganti. nararamdaman mong mananalo ka na rin sa wakas.

...ngunit mali ka. ikaw rin ang talo sa huli. dahil ang kinakalaban mo lang nitong buong buhay mo ay ang sarili mo. kung kailan huli na ang lahat.

No comments: