22 January 2006

PARA SA ISANG PARTIKULAR NA IKAW

kung alam mo lang sana ang nangyayari ngayon sa mga buhay-buhay natin nitong nakaraang mga araw, mga linggo, mga buwan. madalang na tayong mag-usap hindi katulad ng dati. ang hirap nang mabalitaan ang isa't isa dahil kahit man lang ang mga kompyuter natin ay walang maitulong. wala na tuloy akong marinig mula sa'yo o kahit magtanong pa ako sa mga kaibigan natin.

para bang nawala ka na lang na parang pumutok na bula. ni hindi ko namalayan na hindi ka na pala nagpaparamdam hanggang sa kinailangan kita. kung kailan hinahanap-hanap na kita para makausap, makapiling o kahit makita man lang, hindi kita mahuli sa pinagtataguan mo. nalungkot lang ako lalo...

oo, miss na kita hanggang ngayon.

at naiinis ako dahil wala man akong magawa nang wala ka.

binabalikan ko ang mga panahong madalas tayo mag-usap. sa telepono na umaabot ng umaga dahil lamang sa mga pesteng problema ng buhay. sa text na inuubos dati ang mga load natin para lang makamusta ang lagay ng isa. sa chat na kung magpalitan ng mga salita eh parang hindi pa nagkikita ng ilang linggo. at tuwing nagsasama naman tayo, mga ngiti at kwentong interesante lang ang nababanggit.

masyado lang siguro akong nasanay na ginagawa natin ito palagi.

pero ngayon... parang hindi lang ikaw ang nawala, marami. nawalan ako ng kasama sa maraming bagay, karamay, kakampi, katunggali, at kabogchi. para akong isang adik na nawalan ng bisyo bigla, hinahanap muli ang nawala sa'kin.

siguro masyado lang akong naging makasarili at hinayaan ko ang sarili kong maangkin ka ng lubos. hindi ko inisip na isang araw ay pwede mong lisanin ang buhay ko't iwan ng mag-isa. hindi ko man napaghandaan ang mga ganitong klaseng sitwasyon.

ngayon naiinis ako sa sarili ko. hindi ko mapatawad ang isang taong katulad ko na hindi marunong matuto sa sarili niya. masyado akong umasa sa'yo, na inakala kong tatagal ang ating pagsasama. gusto ko nang umiyak pero pati iyon ay hindi ko man mapagtagumpayan.

humahantong ako sa mga puntong hindi ko madalas napagbibigyan. maaaring itong nararamdaman ko na para sa'yo ay hindi lamang ng isang kaibigan. maaaring turing kapatid o kaya'y higit sa isang inaakmang pag-ibig. ngunit hanggang ngayon ay pinagtatalunan pa ito ng aking utak at puso, nalilito pa hanggang ngayon...

ito ang dahilan kung bakit ko nabuo ito... dahil lamang sa'yo. hindi lamang sa kadahilanang inaalala kita, kundi kailangan kita. wala akong balak humingi ng anumang kapalit mula sa'yo. sa tagal ng ating napagsamahan, masasabi kong isa ka sa mga nakakakilala sa'kin ng lubusan.

sana mabasa mo ito... pero alam kong imposibleng mangyari iyon. aasa na lang akong darating rin ang pagkakataon. maintindihan mo lang sana ako. kailangan kita, at hindi na kailangang tanungin pa kung bakit.

No comments: