11 August 2006

TULAD SANA NG DATI, KAIBIGAN

ganun talaga ang takbo ng buhay, hindi mo maintindihan. sa paglipas ng panahon, kahit sabihin na nating sandali lang ang mga nagdaang linggo, wala na talagang nakakaalam kung ano ba talaga ang nangyayari sa bawat isa sa atin.

isang kaibigan ang aking nakilala. hindi naglaon, nagkahiwalay din kami ng landas na tinahak. walang pinag-usapan, nangyari na lang. tapos.

kung tutuusin, hindi ito ang unang beses na nangyari sa buhay ko (o maski na sa kahit kaninong nakaranas na ganitong sitwasyon). maraming tao ang ating makikilala at sadyang dadaan lang sa buhay natin. hindi natin mahuhulaan kung kailan sila magtatagal, o kung kailan sila muling mapapadaan muli. normal lang ito, sa totoo lang. pero masakit ito sa atin lalo na kung malaki ang inaasahan natin sa mga partikular na kaibigan.

lumaki akong palakaibigan at madaling makilala ng lahat, isa talaga sa maipagmamalaki ng kahit sino. sa kabilang banda, hindi ako madaling magtiwala sa kung sinu-sino man dahil na rin siguro sa mga mapapait na nakaraan. marami ang nagtitiwala sa akin; tumatakbo papalit kung mayroon mang problema, o kung may kailangan lang mapaglabasan ng sama ng loob. natural na ang aking pagiging "shock absorber," at ang kalihim ng karamihan. wala akong maisip na matinong dahilan, pero sabihin na nating naging talento ko na rin ito...

sa mga kaibigang madalas kong nakakasama, nakakapalitan ng ilang mga kwento, iilan lang talaga ang napagsasabihan ko ng saloobin ko. hindi ako makwentong tao, lalo na kung sarili na ang pinag-uusapan. kaya kong makipag-usap sa kahit anong klaseng paksa ang maisip, maliban lamang sa sarili. siguro'y mas gusto ko lang ang makinig sa kwento ng iba at magsasalita lang kung hinihingan ng opinyon. ni ang magsimula ng isang matinong usapan ay hindi ko magawa, dito ako nagiging mahiyain.

pero hindi naging hadlang dito ang pagiging matapat at totoo sa kanila. hindi ko kinailangang magsinungaling maging plastik para lang makibagay sa ibang tao. nakikilala lang talaga ako ng karamihan kung ano ang nakikita't naririnig nila mula sa akin. kakaunti lang ang nakakaintindi ng mga tinatago ko't pinapaniwalaan ko.

kaya mahirap para sa aking ang maghanap ng isang kaibigan na buo kong maipagkakatiwala ang aking sarili. siguro ang ganung klaseng ideyal na relasyon ay nakukuha rin sa patuloy na komunikasyon sa isa't isa. dahil doon naman talaga nagkakakilala ang dalawang tao lalo eh.

may nakilala akong kaibigan, na hindi ko inaasahan na magkakalapit din kami. dati ay nagkukrus lang kami ng landas, hanggang sa isang araw ay bigla na lang kaming pinagtagpo ng pagkakataon. hindi niya ikinahiyang mag-open up sa'kin, inamin ang ilang mga bagay sa harap ko, at tinanggap ko siya ng walang alinlangan. dito nagsimula ang isang bumubuting samahan.

nagpatuloy ang lalong pagkilala namin sa isa't isa dahil sa patuloy na komunikasyon, magtetext kami kung may pagkakataon (noon ay hindi pa uso ang UnlimiTXT), o kung minsan ay sa YM. mag-uusap sa telepono hanggang madaling araw, anuman ang marinig namin sa radyo o kahit anu pa man ay pinatulan namin. minsan tahimik ang magkabilang dulo ng linya, pero okay lang sa'min yun, hanggang sa isa sa'min ay antukin na. mahilig kaming makinig sa mga tugtugin pumipitik sa'ming mga damdamin, at uulit-ulitin niya kung talagang ramdam niya ang mga titik ng awit. sa mga katuwaan namin nagiging isip-bata kami, at maselan kung seryoso. ibang klaseng samahan, nagkakampihan at naroon pa rin ang tiwala. kahit iba na ang tingin ng mga taong nakapaligid sa'min, hindi pa rin kami nagpatinag.

hay... ang sarap sariwain ang mga araw noon. mahirap nang balikan at ulitin dahil ang kaibigang ito ay iniwan na ako't pinagpatuloy na niya ang buhay niya na hindi ako kasama. ang mas masakit pa doon, nagmukha akong tanga sa kakaasa na babalikan niya ako para akayin muli.

masyadong biglaan ang mga nangyari, hindi ko maipaliwanag. nagbago ang lahat sa isang kislap. na sa tuwing nagkikita kami ay parang "magkakilala" na lang ang turing niya sa akin. wala na ang kamustahan na dati'y may kasama pang kakulitan. wala na ang unahang magbatian sa YM, ang mga text na pangangamusta. wala na samahan hangga't mapagod ang isa. wala na ang daungan ng problema. hindi na tulad ng dati.

hindi ko alam kung naninibago pa rin ba ako o kahit papano'y nakausad na'ko. alam kong may sarili din akong buhay na kailangan kong harapin ng mag-isa, pero hindi ibig sabihin nun na kailangan ko nang bitiwan ang mga taong nauugnay sa aking nakaraan.

siguro nga hindi ko pa kayang mapag-isa. dahil ko nakakayanan ang maiwan ng tao. sa kaibigan kong ito, marami akong gustong sabihin sa kanya. at umaasa pa rin ako na maibalik ang dati.

19 July 2006

MASAKIT ANG MAIWAN

isa sa pinakamasakit na karanasan sa buhay ng tao ay ang layuan at iwanan ng iba. dito rin napuputol ang ugnayan sa isa't isa habang pilit ng bawat indibidwal na ipagpatuloy ang kanya-kanyang buhay na hindi na tulad ng dati. sa kabilang banda naman ay natututong bumangon muli at magkaroon ng tiwala sa sarili...

ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon nakikita at naaabot ang liwanag na magpapakawala sa isang taong nalunod sa sariling kalungkutan at kasrinlan...

sa murang edad pa lamang ay maaari na'ng makaranas ng mga sitwasyong susukat sa tibay ng loob. pinakamatindi na siguro ang maiwan sa ere ng isang kaibigan. isang ordinaryong araw matutuklasan mo na ang bigla na iniiwasan at nilalayuan ka na ng isang kaibigang itinuring mo nang kaakibat mo hanggang kamatayan.

nakikita kayo ng mga taong nakapaligid sa inyo na sobrang malapit sa isa't isa. may mga iba kayong kaibigan na namamangha't naiingit sa inyong samahan. laging kayo ang magkadikit, magkakampi at walang humpay sa pag-uusap ng kahit anong paksa na maisip ninyo. sa'yo maghahanap kung siya'y nawawala at kinakailangan ng iba. nakakapagtago kayo ng sikreto, nagsasabihan ng totoo. para bang mayroong nabuong isang namumukod-tanging relasyon ang namamagitan sa inyong dalawa. hindi lang basta-bastang magkapatid, hindi rin madaling maihambing sa mga nagtuturingan na magbest friend. kapag kayo'y nakita na ng iba saka lang maiintindihan ng lahat.

anuman ang mangyari, magagawa ninyong makahanap ng paraan para makapagkomunikasyon. kayo ang pangarap ng karamihan ng mga tao ngayon, dahil wala na yatang makakapaghadlang pa sa inyong pagkakaibigan.

isang araw, nawala na lang siya sa buhay mo. hindi mo siya matawagan, matext o makausap. hanapin mo man siya'y wala kang napapala. nahihirapan kang abutin siya, masyado na siyang malayo sa iyong mga kamay. biglaan ang lahat ng nangyari, nakakagulat at masakit. dahil kung kailan alam mong kinakailangan mo ng isang taong maaasahan mo saka pa siya lumayo at nawala sa buhay mo.

ang mas masama pa doon, nagagalit ka sa kanya ng walang dahilan. nagtatanong ka sa mga bagay na hindi masagot. nasisisi mo siya sa mga walang silbing bagay. ngunit wala ka pa ring ideya kung bakit ka iniwan at hindi na kinakausap pa. alam mo sa sarili mo, na mahirap ang naging desisyong niya para maputol ang ugnayan ninyong dalawa. sabay kayong haharap sa mundo ngayon ng mag-isa, at wala na siya para sumalo sa dunong mo.

masakit ang maiwan. para kang namatayan ng isang mahal sa buhay mo.

01 June 2006

DUGO NG HIDWAAN

darating rin pala ang pagkakataon sa buhay ko kung saan hindi ako makapagpili kung ano ang mas importante, ang mas mahalaga, ang mas matimbang. hindi ko malaman kung ano ang uunahin ko at kung ano ang mas nangangailangang pagtuunan ng pansin.

ang nagiging mas mabigat pa ay ang katotohanang hindi naman titigil sa pag-ikot ang mundo o katapusan man lang ng buhay ko. gising ako sa katotohanan na hindi naman ganung kalaking bagay ang pinoproblema ko pero dala-dala mo ito't pasan mo sa mahabang panahon.

hindi madali itong bitiwan. ito ang mga sandaling babalikan mo ang nakaraan para tamasin muli ang pinaniniwalaan mong saya, kung saan ka nakadama ng ligaya.

ano ang mas matimbang? titignan mo kung alin ang mas naging malaki ang naging bahay sa buhay mo. hahanapin mo kung alin ang mas malaki ang naging epekto nito sa'yo. iisa-isahin mo ang mga bagay na nagpapakapit sa'yo sa kanila.

ano ang mas mahalaga? ano ang mas importante? malalaman mo na sarili mo pa rin ang iniisip mo. kapakanan mo pa rin ang magdedesisyon kung ano ang iyong patutunguhan. hindi iba ang magdidikita kung ano ang tama. ang puso't utak mo'y naguguluhan sa mga nangyayari sa loob mo.

ang hidwaan ay hindi kailanman maibabaon. anuman ang piliin, ang unahin, sa huli'y mapapaisip ka kung ano kaya ang mangyayari kung ang hindi ito ang napagpasyahan ng sariling damdamin.

matakot ka, dahil ang pinaka-ultimong makakalaban mo ay ang sarili mo lamang.