19 July 2006

MASAKIT ANG MAIWAN

isa sa pinakamasakit na karanasan sa buhay ng tao ay ang layuan at iwanan ng iba. dito rin napuputol ang ugnayan sa isa't isa habang pilit ng bawat indibidwal na ipagpatuloy ang kanya-kanyang buhay na hindi na tulad ng dati. sa kabilang banda naman ay natututong bumangon muli at magkaroon ng tiwala sa sarili...

ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon nakikita at naaabot ang liwanag na magpapakawala sa isang taong nalunod sa sariling kalungkutan at kasrinlan...

sa murang edad pa lamang ay maaari na'ng makaranas ng mga sitwasyong susukat sa tibay ng loob. pinakamatindi na siguro ang maiwan sa ere ng isang kaibigan. isang ordinaryong araw matutuklasan mo na ang bigla na iniiwasan at nilalayuan ka na ng isang kaibigang itinuring mo nang kaakibat mo hanggang kamatayan.

nakikita kayo ng mga taong nakapaligid sa inyo na sobrang malapit sa isa't isa. may mga iba kayong kaibigan na namamangha't naiingit sa inyong samahan. laging kayo ang magkadikit, magkakampi at walang humpay sa pag-uusap ng kahit anong paksa na maisip ninyo. sa'yo maghahanap kung siya'y nawawala at kinakailangan ng iba. nakakapagtago kayo ng sikreto, nagsasabihan ng totoo. para bang mayroong nabuong isang namumukod-tanging relasyon ang namamagitan sa inyong dalawa. hindi lang basta-bastang magkapatid, hindi rin madaling maihambing sa mga nagtuturingan na magbest friend. kapag kayo'y nakita na ng iba saka lang maiintindihan ng lahat.

anuman ang mangyari, magagawa ninyong makahanap ng paraan para makapagkomunikasyon. kayo ang pangarap ng karamihan ng mga tao ngayon, dahil wala na yatang makakapaghadlang pa sa inyong pagkakaibigan.

isang araw, nawala na lang siya sa buhay mo. hindi mo siya matawagan, matext o makausap. hanapin mo man siya'y wala kang napapala. nahihirapan kang abutin siya, masyado na siyang malayo sa iyong mga kamay. biglaan ang lahat ng nangyari, nakakagulat at masakit. dahil kung kailan alam mong kinakailangan mo ng isang taong maaasahan mo saka pa siya lumayo at nawala sa buhay mo.

ang mas masama pa doon, nagagalit ka sa kanya ng walang dahilan. nagtatanong ka sa mga bagay na hindi masagot. nasisisi mo siya sa mga walang silbing bagay. ngunit wala ka pa ring ideya kung bakit ka iniwan at hindi na kinakausap pa. alam mo sa sarili mo, na mahirap ang naging desisyong niya para maputol ang ugnayan ninyong dalawa. sabay kayong haharap sa mundo ngayon ng mag-isa, at wala na siya para sumalo sa dunong mo.

masakit ang maiwan. para kang namatayan ng isang mahal sa buhay mo.